Photo diary : Buscalan, Kalinga

Sana magmahal ulit tayo na parang una nating pagpunta sa Kalinga. 

Noong una akong bumyahe pa Norte, hindi ako sigurado sa kung gaano kahaba ang byahe, pero naniwala ako. Naniwala ako na may magandang kahahantungan ang matagal kong paghihintay. Na sa pagsikat ng araw, masisilayan ko na ang ganda at liwanag ng kapaligiran. 

Oo, nakaramdam ako ng kaba at takot, takot na paano kung masaktan ako, o masugatan? Madapa o mahulog? Pero habang papalapit sa tinatamasang lugar, papalapit din ang kasiyahan at pagkasabik na sa wakas ay makikita mo na, at unti-unting humupa ang anumang bumabagabag sa iyong kalooban. 

Sana ganoon ulit tayo magmahal, ‘no? Maniniwala at magtitiwala pa rin tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig gaano man kalayo, katagal at kung gaano ka man nasaktan. Matatakot tayo sa una, pero kalauna’y kakalma ang ating damdamin. Matututunan mo ulit ang mga salitang “take a risk”, kasi ano nga ba ang mangyayari kundi ulit natin susubukan? 

Ikaw, gaano pa kalayo ang kaya mong tahakin alang-alang sa pag-ibig?